Dugong Asul

Pag mulat ko nang aking mata’y, bahaghari ang aking nakita
Wala akong kaalam alam na simbolo pala ito ng mga ‘paminta’
Napako sa aking mata ang mga kulay nito
Ngunit sa likod ng kagandahan, impyerno’y napagtanto

Tao sa itaas, patawarin mo kami
Kung puro kahihiyan ang batid namin
At mailap mo sanang tanggapin
Na hindi si Eba at si Adan ang aming nais

Maalab na tukso’y mabagsik at nakakabighani
Ngunit sa kahinaa’y, bakla’y di magpapatali
Pusong mamon, mahina man kung magisip
Mga aspekto sa buhay, kami’y maghahari

Sa mga mata ng humusga kami’y kasalanan
Aming kaluluwa’y, suntok daw sa buwan
Kaibigan lahat sa malayong tanaw
Sa malapit ay parang kaluluwang ligaw

Biniro’t sinaktan ng masamang hangin
Ang aming pagkatao’y iyong damhin
Sa langit man, irog ang kaligayahan
Sinarado ang pinto, dugong asul ay lapastangan

Kayrami ng pinagkait sa buhay namin
Nang dahil wala sa bibliya’y kami’y hindi niyo dalangin?
Ano ba ang basehan sa makatarungang buhay,
Karunungan ng tao o kasawian sa bukang liwayway?

Sino kaya ang makakatanggap
Sa mga guhit sa palad na aming inalap
Sa daigdigang itong puno ng palanas
Na napakagahaman at hindi lumalayas

Darating rin sa paglubog nang araw
Ang mundo ay kaya kaming harapin
Nakakalinlang man kung isipin
Na pagtanggap sa amin ang sasalubong sabay sa pagsikat ng araw.